Sa kalaliman ng gabing ito, ngayon pa hindi dumapo ang antok ko. Tila magulo ang isipan at gustong makipagsapalaran sa kadilima’t katahimikan. Malapit na ang pagsapit ng bagong taon. Ang aking naisip pagkatingin sa kalendaryong nakasabit sa bukasan ng aking aparador. Ibig sabihin lamang nito na bagong mga datos ang muling magpapatong-patong hanggang sa maubos na ang mga tao sa bansang ito. Talamak na naman ang patayan dito sa amin. Nito lang ay may pinatay na tatlong kalalakihan at sabi-sabi’y mga tulak ng droga. Ayon sa kapulisan. Ngunit nakapagtataka, dahil mayroong nakakita na kakilala ko ang nagkwento sa akin na mga naka-unipormeng lalaki ang tumambad sa tatlong ito, at ang masaklap pa, ay kilalang mga lumalaban ang napaslang. Hindi ba ito isang katiwalian? Uri ng pagpapatahimik?
Sinubukan kong pumikit. Ngayo’y tunog ng bentilador, at ng mga kuliglig na ang aking naririnig. Sa likod nito’y malawak pa rin ang katahimikan sa aming kabahayan. Hindi pa rin ako inaantok. Hindi ako pinatutulog ng isip kong ito. Dahil sa sitwasyon kong ito, maswerte nang nakahiga ako sa isang kama habang ang mayorya ay walang mahigaan at hindi makatulog hindi dahil hindi sila inaantok, bagkus walang katapusan ang kanilang pag-iisip makahanap lang ng paraan mabuhay lamang ang pamilya nila. Napakasahol ng ganitong sitwasyon. Nakagagalit. Paano kaya nila iyon napagtatagumpayan? Isa nga bang pagtatagumpay kapag ang sitwasyo’y nalipasan? Kahit na alam nati’y mayroon pa ring sistema na magpapatuloy nito?
Ako’y bumalikwas at inialis ang kumot mula sa pagkakabalot nito sa akin. Pumunta ako sa kusina upang uminom ng kape. Kinuha ko ang lagayan ng kapeng barako at asukal. Ganito ang gusto kong timpla. Kaunting asukal lang, para matapang. Pagkatapos ay nilagyan ko na ng mainit na tubig saka pumunta sa aming sofa. Napakatanga. Para sa iba. Hindi na nga makatulog, magkakape pa? Bakit hindi gatas? O kaya’y bakit pinipilit mag-gatas kung ang isang pakete nito ay sing-mahal ng ginto na hanggang kape lang ang makakayanan ng mga taong tulad ko? Na kahit na mismong gatas ay napakalaki ng kinakalam na kita para sa mga negosyanteng may-ari nito. Napakasarap ng kape. Kape sa umaga, sa tanghali kahit mainit, at kape sa gabi kahit hindi makatulog. Kape na ang tubig natin ngayon. Na kahit mismong tubig ay napakamahal na rin ng singilan. Minsan nga’y hindi pa malinis at nawawalan pa. May krisis nga raw kasi. Pilit na ginagawan ng palusot ng mga may ganid sa pera para lang gumawa ng dambuhalang dam gamit ang perang inutang sa ibang bansa na hindi mabayad-bayaran kaya kahit mismong sanggol bago isilang ay may utang nang babayaran. Napakaganda ng bansa.
Hindi masarap ang kape kung walang kombinasyon. Ang sigarilyo. Pwede ring pandesal, tasty, o kung anumang ma-tripan niyo. Pero sa akin, sigarilyo. Para mawala na ang gutom ko. Dahil hindi naman na ako mabubusog sa P2.50 mahigit na pandesal at purong hangin lang ang nasa loob. Mabuti pa ang sigarilyo, napapawi ang gutom ko. Lumalaki ang tiyan ko dahil sa hangin na binibigay nito. Dagdag pa ang mainit na kapeng dadaloy sa lalamunan hanggang kalamnan na magbibigay ginhawa sa aking pakiramdam. Nakamamatay nga ito. Pero ito rin naman ang kahahatungan nating lahat. At ito rin naman ang inuudyok sa atin ng mga nasa gobyerno. Kaya ayon, tigok. Bali-balita pang tataasan ang tax. Tax ng ina. Lahat na lang may tax. Una, gasolina, mataas. Pangalawa, juice, tumaas. Pangatlo, pagkain, tumaas. Pang-apat, bigas, “wala” raw stock pero mayroong nakatago sa mga kartel kaya nagpasa ng batas na RLL, ayun, mataas na lahat. Hanggang pati ba naman yosi, tataas? Mga mapagmataas. Hindi nito masasagot ang kaguluhan ng bansa. Gusto lagi nagtataasan. Buhok, kilay, kamay, kamao, pondo sa tao at serbisyo lang dapat ang tinataas. Hindi mga ihi niyo. Putang ina. Tax ng ina niyo.
Napakatahimik pa rin ng kapaligiran. Nakatutuwa mag-muni. Ang ganda ng kalangitan, kita ang buwan, kita mo ang pagkislap ng mga bituing hindi mo mararating. Mga ala-una na siguro. O alas-tres. Malay ko ba. Wala na akong alam sa oras, dahil bawat oras, mayroon tayong hinahabol. Dahil baka sa pagitan ng buhay at ng kamatayan lang ang ating madadatnan. Hindi man sa bala, kundi sa kagutuman, kahirapan, at pamamasista. Maraming paraan. Marami silang paraan. Kaya dapat natin silang tapatan. Dahil sa pagitan na iyon, sa hinahabol na iyon, mayroong espasyo roon. At naroon tayo. Tayo ang magpupunan ng bahaging iyon.
Buhay ( ) Kamatayan
Tayo ang gagawa ng aksyon. Maaaring maging:
Buhay (Rebolusyon —> Tagumpay) Kamatayan
O kaya’y:
Buhay (Pagiging Kimi/Pasibo) Kamatayan
Buhay (Pag-abuso) Kamatayan
Nasa inyo.
Kung paano niyo pamamalakarin ang buhay niyo, at pagsisilbihan ang bayan niyo.
Comments
Post a Comment