Ako'y napabalikwas sa aking hinihigaan. Tumingin sa aking relo. 6:45 na ng umaga. Mahuhuli na ako sa aking klase. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga nang malalim, dinama ang sariwang hangin, pinalitan ang lahat ng mga negatibong iniisip sa positibo. Mag-aayos na ako, ang sabi ko sa sarili ko.
Ngayon ay ikaapat na araw ng buwan ng Disyembre. Ilang buwan nalang at ako'y makakapagtapos nang Hayskul. Iiwan ko na ang aking minamahal na paaralan. Ngunit, baka'y hindi ako makasabay dahil sa mga gawaing hindi pa natatapos o naaksiyunan. Natatakot ako. Natatakot ako na magalit ang aking mga magulang sa kanilang malalaman na ako'y hindi makapagtapos. Pero hindi, kakayanin ko 'to, ipapakita ko ang aking galing.
Nang matapos akong makapag-bihis ay bumaba na ako at kumain ng almusal. Itlog ulit ang aking kakainin. Wala bang ibang ulam na mailuluto si Nanay? Baka ako ay magkapigsa. Kinuha ko ang plato at sumandok ng kanin. Hinalikan ako ni Nanay sa aking pisngi at nakangiting hinawakan ito.
"Anak, mahal na mahal kita. Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral. Ikaw lang ang inaasahan ko, anak. Simula nung mawala ang iyong itay ay hindi ko na laan ang aking gagawin. Ikaw lang talaga anak. Ikaw ang mag-aahon satin sa kahirapan." Ayan ang mga masasakit na matatamis na sinabi sakin ng nanay.
Alam kong hindi na siya makakapag-trabaho dahil sa kanyang sakit sa puso. Kaya'y paglalaba nalang ang kanyang mumunting pinagkakakitaan upang makabili ng ulam. Ito ang biglang pumasok sa isip ko, kung bakit parating itlog ang handa. Hindi ko naman masisi ang nanay. Hindi ko rin masisisi ang tatay. Mag-aaral nalang at magtatrabaho upang mabago ang ulam at maging masaya ang nanay.
Tuluyan na akong lumabas ng bahay't kumaway sa aking nanay bilang simbolo ng paalam. Naglakad ako nang ilang metro at nakarating na ako sa pasukan ng eskwelahan. Naririnig ko ang masasayang hiyawan ng mga estudyante papunta kung saan gaganapin ang "flag ceremony." Pumasok ako sa "gate" na may ngiting taglay. Pagdating sa aming silid, ay dagli kong ibinagsak sa upuan ang gamit at kumaripas ng takbo papunta sa aming linya. Ngunit, sa hindi inaasahang pangyayari, ay nadapa ako sa damuhan at tinignan ang naging dahilan ng pagka-dapa. Isang relo, na kumikinang. Mahal ito kung isasangla. Akin itong pinulot at itinago sa bulsa ng pantalon. Nagsimula nang kumanta ang lahat ng pambansang awit hanggang sa matapos ang programa. Nagsibalikan na sa silid. Biglang may kabang bumalot sa aking dibdib. Paano na ang mga pagsusulit kong hindi nakuha dahil sa aking sakit na bulutong? Hindi, kaya ko 'to, maipapasa ko yun.
"Gregg, bakit hindi ka pa pumapasok sa loob? Parating na si G. Ferrer. Nagawa mo na ba ang aralin 39 sa esteno? Itse-tsek niya ito ngayon." Sabi sakin ng babae kong kaklase na si Ezrah.
"Ah...ah... Hindi pa. Ba-bakit? Naku po! Paano na ito?" Kinakabahan kong sinabi sakanya.
Tuluyan na akong pumasok sa silid at inilabas ang libro at papel para isulat ang aralin na kailangang ipasa. Biglang bumigat ang relo sa aking bulsa at inilabas ko ito. Napansin kong hindi tama ang oras, tatlong oras ang pagitan nito sa orihinal. Kung ngayon ay 7:51, ang oras sa relo ay 10:51. Aking pinihit ang maliit na bilog sa gilid ng gintong relo, tinama ko ang oras at sa wakas! Maayos na ito. Saktong pagpasok ng aming guro ang pagpalit ko ng oras. Patay na!
Hindi ko inaasahan ang nangyari. Bigla nalang umikot ang nakikita ko, at ako'y nandun pa rin, nakaupo at nasa harap ko pa rin ang aking papel at libro. Maya-maya'y biglang tumigil sa pag-ikot ang paligid, at nandito pa rin ako sa upuan. Tumingin ako sa gintong relo, tama na ang oras nito. Tumingin ako sa papel ko, may mga nakasulat na ditong mga guhit ng esteno. Tapos na ang Aralin 39 ko! Aking ikinagulat ang pangyayari. Paano kaya nangyari yun? Mahiwaga ang relong ito? Ma-swerte ako't nadampot ko pa ito. Natapos ang klase at umalis na si G. Ferrer sa silid. Agham ang susunod naming asignatura, may pagsusulit doon. Tinignan ko muli ang gintong relo at nag-isip. Kung palitan ko kaya ang oras nito? Isagad ko nang isang oras? Sinubukan ko ulit pihitin ang maliit na bilog, at pinunta sa '9' ang malaking kamay at sa '6' ang maliit. Umikot na naman ang aking paligid at nang tumigil ito, nakatayo na kami upang bumati at ang nasa lamesa ko ay isang papel na pinunit lang at may markang "Pagbutihin". Masaya ang lahat ng nangyayari sakin dahil sa tulong ng gintong relo na ito.
Ilang buwan ang lumipas at ito na ang araw ng aming pagtatapos. Masaya ang lahat. Makikita sa mga mata ng mga kaklase ko at kamag-aral ko ang mga luha ng kasiyahan. Napagtagumapayan ko! Isang malaking karangalan ito para sakin at para sa pamilya ko! Tapos na ang mapapait kong napag-daanan bilang isang hayskul. Isa-isa kaming tinawag sa aming mga pangalan. Kasama ko ang nanay kong humahagulgol dahil sa nakamit ko ang "2nd Honorable Mention." Tinawag na ang aking pangalan at isinabay doon ang aking mga nakamit, nang kukunin ko na ang katibayan ko, biglang umikot ang aking paligid, sumakit nang sobra ang aking ulo, at kinain ng dilim ang lahat.
Ako'y napabalikwas sa aking hinihigaan. Tumingin sa aking relo. 6:45 na ng umaga. Mahuhuli na ako sa aking klase. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim, dinama ang sariwang hangin. Sa aking pagkamulat, nabaling ang mga mata ko sa kalendaryo. Ngayon ay ikaapat na araw ng buwan ng Disyembre. Ngunit sa taong 2014. Hindi pa ako makakapagtapos ng hayskul. Hindi totoo ang lahat ng nangyari sa aking nakita. Biglang bumukas ang pinto ng aking kwarto at nasilayan ang nanay. Kasama ang isang babaeng nakaputi. Ang doktora.
"Nay, anong pong nangyayari? Bakit po ako nandito?" Tanong ko sakanila.
"Hijo, mayroon kang karamdaman. Nagkulang sa hangin ang iyong utak. Halos tatlong linggo kang hindi nagigising. At isang himala ang iyong pagkagising ngayon." Paliwanag ng doktora saakin.
Ikinuwento ko sakanila ang aking mga napag-daanan. Guniguni lang ang lahat ng iyon. Walang gintong relo. Walang itlog na ulam. Walang tatay ang nasawi, dahil nasa ibang bansa lang pala ang tatay. Wala ring karangalan na mataas. Wala lahat. Wala.
**
(c) 2015 by John McGerald
Comments
Post a Comment